366

May 15, 2021 @ 22:14
By

Indian fighter bagong kampeon, Vera pinataob

Bigo si Filipino-American MMA fighter Brandon “The Truth” Vera na depensahan ang kanyang ONE Heavyweight title matapos patumbahin ng challenger na si Arjan Singh Bhullar via 2nd round technical knockout.

Minulat ni Bhullar si “The Truth” sa katotohanang siya ang tunay na hari ng heavyweight division matapos paulanan ng suntok si Vera na siya namang nagtulak sa referee na itigil na ang laban sa ikalawang round, na siya namang ikinagulat ng mga manonood sa Singapore Indoor Stadium nitong Sabado.

Bukod sa pag-uwi ng title belt ay napaganda rin ni Bhullar ang kanyang record sa 11-1. Siya rin ang unang MMA fighter mula sa India na naging world champion.

“It’s amazing! India! We got one now! Your first world champion, baby!” pahayag ni Bhullar.

Sa pagkabigo naman ay bumagsak ang record ng 43-anyos na si Vera sa 16-9. Sa ngayon, si Joshua “The Passion” Pacio na lamang ang natitirang Pinoy titlist sa ONE, tangan ang kanyang Strawweight title belt. (Mark Joven Delantar)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?