94

Jun 16, 2021 @ 9:23
By

Inday Sara: Wala kaming away ni VP Leni

Nilinaw ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na walang iringan sa pagitan nila ni Vice President Leni Robredo.

Ito’y matapos na tila pangaralan ni Robredo ang lokal na pamahalaan ng Davao dahil sa pagsirit ng COVID-19 case sa lugar na pinamumunuan ni Duterte.

“Walang away sa amin basta huwag lang nila i-mention yung pangalan ko, hindi naman ako magsasalita eh,” ayon kay Inday Sara sa panayam ng ABS-CBN reporter RG Cruz.

Pinaliwanag din ni Duterte kung bakit siya pumalag sa mga pahayag ni Robredo tungkol sa COVID-19 response ng Davao, kung saan sinabi ng alkalde na hindi lang niya nagustuhan na tila pinapahiwatig ng Bise Presidente na walang kooperasyon na nagaganap sa Davao LGU at mga private sector.

“Ang hindi ko lang matanggap doon sa mga sinabi niya is that yung private sector parang walang relationship sa city government of Davao which is not true,” sambit ni Sara.

“Kasi dito sa Davao City lugi na nga yung mga businesses but they still ask us, go out of their way to help the city government of Davao sa COVID-19 response namin dito.”

Aniya pa, tila pinuna rin umano ni Robredo na kulang ang aksyon ng medical community sa kanilang lungsod.

“Hindi pwedeng hindi ko i-defend itong mga sectors na ito, ‘yung private sector and medical community dahil nakikita namin yung support nila sa city government of Davao at yung hirap nila sa COVID-19 pandemic na ito,” giit ni Sara.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?