90

Mar 16, 2020 @ 18:55
By

Inday Sara, Tolentino pabor i-extend ang income tax return filing

By JOHN CARLO M. CAHINHINAN

16 Marso 2020

Suportado ni Presidential daughter at Davao City Mayor Sara Duterte ang panukalang pahabain ang deadline para sa paghahain at pagbabayad ng taunang income tax return (ITR) sa gitna ng umiiral na community quarantine sa Metro Manila at sa iba pang mga lugar sa bansa dahil sa banta ng COVID-19.

Giit ni Duterte, pabor siyang ipagpaliban muna ang April 15 deadline para sa ITR filing kung hindi kaya ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na magsagawa ng full online transaction sa paghahain at pagbabayad ng buwis.

“Yes, that is a good panawagan if BIR cannot create full online transactions for submission and payment,” sambit ng alkalde sa isang text message sa Politiko/Abante.

Una nang giniit ni Finance Secretary Sonny Dominguez na hindi pwedeng i-adjust ng BIR ang deadline dahil alinsunod umano ito sa National Revenue Code of 1997.

Subalit ayon naman kay House committee on ways and means chair Joey Salceda, may kapangyarihan si BIR commissioner Caesar Dulay na iurong ang petsa ng taning para sa ITR filing kung ito ay kabilang sa “meritorious cases” o karapat-dapat na mga kaso.

Ayon kay Salceda, pwedeng i-extend ng BIR ang filing ng ITR o kung hindi man ay pansamantalang isantabi ang mga multa na nakapaloob dahil sa late filing.

Samantala, hinimok naman ni Senador Francis Tolentino si Dulay na ipagpaliban nang isang buwan ang deadline ng filing ng ITR mula Abril 15 patungong Mayo 15 para sa mga registered tax payer sa National Capital Region (NCR) at iba pang mga lalawigan o bayan na nasa ilalim ng community quarantine.

Nakasaad sa Section 53 ng National Revenue Code na “the commissioner may, in meritorious cases, grant a reasonable extension of time for filing returns of income (or final and adjustment returns in case of corporations), subject to the provisions of Section 56 of this Code.”

Base sa liham ni Tolentino kay Dulay, ang pagbabaliban ng deadline ng ITR filing ay maihahalintulad sa kasalukuyang patakaran sa mga bansang Tsina at Italya, kung saan pinayagan ng kanilang mga pamahalaan na iusog ang deadline ng pagbabayad ng buwis upang maibsan ang mga pasanin ng kanilang mamamayan na apektado rin ng COVID-19 pandemic.

“The government has the responsibility to aid our overburdened taxpayers who continue to shoulder he brunt of the outbreak’s impact on the market,” sabi ng senador sa kanyang liham.

Dagdag pa niya, ang posibleng extension ay magiging “sigh of relief that could spell a huge difference to the struggling individuals and businesses.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?