75

Inday Sara gustong mabuo ang tatlong termino bilang Davao City mayor

John Carlo M. Cahinhinan

MALABALAY CITY, Bukidnon – Nais umano ni reelectionist Davao City Mayor Sara Duterte na buuin ang kanyang tatlong termino bilang alkalde ng nasabing lungsod sa kabila ng mga panawagan na siya’y tumakbo sa mas mataas na posisyon sa 2022.

“Sa ngayon talaga ang plano ko, kung naman ako bigyan ng pagkakataon na tapusin na isang buong term—tatlong terms—ng pagka-mayor,” saad ni Mayor Sara sa isang panayam sa Malaybalay City.

Paliwanag ni Mayor Sara, tingin niya ay marami pa siyang magagawa sa kanyang sinilangang bayan kung pahihintulutan siya ng mga residente ng Davao City na makumpleto nang buo ang siyam na taon bilang kanilang pinuno.

“Mas gusto ko na gawin ko ‘yun kasi sa tingin ko naman, mas marami akong magagawa para sa Davao City,” hirit ni Mayor Sara.

Ngunit nilinaw ng Presidential daughter na hindi pa rin niya isinasara ang kanyang pintuan na tumakbo sa mas mataas na posisyon sa 2022.

“Sinasabi ko palagi, hindi naman natin hawak ang kung ano mangyayari sa buhay natin—just like hindi natin alam kung kailan tayo mamatay. Hindi natin alam kung ano ang mangyayari tomorrow,” giit pa ng alkalde.

Nauna nang ipinahiwatig ng anak ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang pamumuno niya sa kampanya ng mga senatoriable na suportado ng Hugpong ng Pagbabago ay maaring pang muling masundan kung mismong ang kanyang ama o pamilya ang hihiling sa kanya na gawin itong muli.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?