35

Oct 15, 2019 @ 17:27

Inday Sara gustong ibukod ang Davao sa Martial Law

Hihingi ng tulong si Davao City Mayor Sara Duterte sa Kongreso upang i-exempt o ibukod ang Davao City sa nagpapatuloy na batas militar sa buong Mindanao.

Agosto 7 nang magpadala aniya siya ng pormal na sulat at kaugnay na mga dokumento sa Office of the President (OP).

Magpapadala rin umano ito ng mga kopya ng nasabing dokumento sa Kongreso at sa Department of National Defense.

“Nagbigay na tayo ng sulat August 17 ata sa Office of the President. Naka-attach yung mga supporting documents bakit natin gustong maexempt sa martial law. Wala pa kaming update. Kahapon napag-usapan ulit namin. So sabi ko mas mabuti siguro na magpadala rin tayo ng documents sa House of Representatives sa Senate at sa Department of National Defense,” hayag ni Duterte sa salin ng ABS-CBN News ngayong Lunes, Oktubre 14, 2019.

Hunyo 2019 nang ianunsiyo ni Duterte na hihilingin nito sa OP na gawing localized ang dineklarang batas militar.

Nitong Agosto 2019, pinasa ng Davao City Council ang resolusyon upang alisin na ang batas militar sa lungsod.

Nilagay ni Pangulong Rodrigo Duterte ang buong Mindanao sa ilalim ng batas militar noong 2017 sa kasagsagan ng Marawi siege, at magpapatuloy ito hanggang Disyembre 31 ngayong taon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?