75

Oct 27, 2017 @ 14:15

Incoming Health Sec. Duque, lulusot sa CA — Ejercito

Malamang umanong banayad na makalulusot si incoming Health Secretary Francisco Duque sa Commission on Appointments (CA).

Ayon kay Senador JV Ejercito, chairman ng Senate Committee on Health, kilala nilang disente at may kredibilidad si Duque.

“Secretary Duque is a decent person with high integrity and credibility. I don’t think he will have a hard time with the CA,” pahayag ni Ejercito.

“Looking forward to work with him very soon,” dagdag ni Ejercito.

Naging kalihim si Duque ng Department of Health (DOH) noong Arroyo administration.

Nanungkulan din ito bilang chairman ng Civil Service Commission (CSC) matapos sa DOH.

Hindi naman nakalusot sa CA ang susundan ni Duque na si dating Health Secretary Pauline Ubial.

Sinabi naman ni Senate Majority Leader Tito Sotto, miyembro ng CA, na kikilatisin niya ang mga plano ni Duque para sa DOH.

Isa sa mga gusto niyang alamin ay kung pabor itong pahintulutan ang pagturing sa marijuana bilang gamot.

“Depende sa mga sagot sa tanong namin. If he thinks medical marijuana is true, kalimutan na niya ang CA,” ani Sotto.

Sinabi naman ni Senador Gringo Honasan, chairman ng CA committee on health, na tulad ng ibang kalihim, dadaan si Duque sa karaniwang deliberasyon.

“The CA is a collegial and consensus body which will deliberate and decide on the fitness and ability of the nominee to manage the public health sector and address the systemic problems in the DOH,” pahayag ni Honasan sa text message. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?