38

Jan 2, 2018 @ 16:53
By

INASGOC chief may pa pre-Asiad test events

Susubukan ng Indonesia Asian Games Organizing Committee (INASGOC) ang kahandaan sa pagho-host sa 18th Asian Games 2018 sa parating na Agosto 18-Setyembre 2.

Kaugnay ito sa pagdaraos ng test event sa 9 sports para maipadama ang eksperiyensa sa mga atletang sumasabak sa quadrennial multi-sportsfest bago ang aktuwal na palaro.

Inihayag kamakalawa ng pangulo ng INASGOC na si Erick Thohir, na gaganapin ang 9 sports test events sa Pebrero 10-18 para maipakita ang igting ng kompetisyon sa mga Asyano sa Jakarta at Palembang sa Indonesia.

Tampok sa test events ang archery, athletics, basketball, boxing, football, weightlifting, indoor volleyball, taekwondo at pencak silat, na tinatayang lalahukan ng 1,991 atleta at 487 opisyales mula sa 45 bansa.

Inaasahan ni Thohir, presidente rin ng Indonesian Olympic Committee, ang pagdating naman ng 9,500 atleta; 20,000 volunteers; 3,500 media; 2,500 VIPs at 5,500 technical officials sa aktuwal na Asiad na.

Kabuuang 462 gold medal ang paglalabanan mula sa 40 sports at 67 disiplina kung saan 28 dito ang Olympic sports na nilaro rin sa 2016 Rio de Janeiro Summer Olympic Games.

“The number of sports and events are already final but we will allow changes on the type of events to be played,” sabi ni Thohir, habang inihayag din ang accreditation sa lahat ng lalahok, kabilang ang miyembro ng media, simula ngayong buwan.

Puntirya ng Pinas na iangat ang isang gold, tatlong silver at 11 bronze medals na nakuha sa 2014 Incheon Asian Games sa South Korea.

Ibinahagi ni Thohir ang pagsasagawa ng torch relay sa loob ng anim na linggo bago gawin ang Games. Ang relay ay dadaan sa mahigit na 10,000 kilometro sa anim na malalaking siyudad sa Indonesia.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?