244

By

Inarestong si Arnold Padilla, tumaas ang blood pressure

Inaresto ng Makati Police ang lalaking nakita sa isang viral video na nananakit ng traffic enforcers sa EDSA-Magallanes, Makati City habang kasama ang live-in partner at mga bodyguard nito.

Kinilala ito ni Police Director Guillermo Eleazar, director ng NCR Police Office (NCRPO), na si Arnold Padilla.

Sa bisa ng search warrant ni Makati RTC Executive Judge Elmo Alameda, hinalughog ng Makati Police ang bahay nito sa No. 18 San Antonio Street, Magallanes Village, Magallanes, Makati City dahil sa hinala na may itinatago itong mga baril, bala at granada.

Sa inisyal na ulat, nakuha rito ang dalawang baril at granada. Napaso na umano ang lisensya ng mga baril nito noong Abril.

Tumaas umano ang blood pressure nito nu’ng inaaresto kaya isinakay ito sa stretcher nang ilabas ng bahay.

Ayon kay Eleazar, habang ginagalugad nila ang bahay ni Padilla, may dumating na ambulansya ng St. Luke’s Medical Center mula sa Quezon City kung saan nito gustong magpahatid.

Sa halip, ipinadiretso ni Eleazar si Padilla sa kampo ng pulisya sa Camp Bagong Diwa.

Nu’ng mag-viral ang video ng pananakit ni Padilla sa traffic enforcers, lumutang ang dati nang mga reklamo laban dito ng ilang kapwa residente at security guard ng Magallanes Village.

Inireklamo rin ito sa Department of Justice dahil sa umano’y pagpatay sa kapatid na pinadalhan ng granada.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?