nun
By

Inarestong Australyanang madre, ayaw pang pakawalan ng BI

Sharing is caring!

Hindi naturukan ng gamot para sa kanyang sakit sa buto si Sister Patricia Fox, ang 71-anyos na Australyanang madre na hinuli ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) sa loob ng kumbento.

Isang madre at ang kanyang personal nurse ang magdamag na nagbantay kay Sister Fox.

Bagama’t ipinag-utos na ng inquest prosecutor ang pagpapalaya kay Sister Fox, hindi pa rin pumayag ang Immigration Bureau na makauwi ito dahil kailangan ang kanyang pasaporte.

Uuwi si Sister Fox sa Australia sa darating na Mayo 1 kaya’t ang kanyang pasaporte ay nasa travel agency na nag-asikaso ng kanyang biyahe.

Binansagan ng Immigration Bureau na undesirable alien si Sister Fox dahil sa pagsama nito sa kilos-protesta at ito ay paglabag sa batas ng Pilipinas.

Ayon sa inilabas na pahayag ng BI, kinumpirma nito ang pagpigil ng kawanihan sa Australyanang misyonarya na si Fox matapos umano magpalabas ng Mission Order si Commissioner Jaime Morente dahil sa nilabag umano ng madre ang kondisyon ng kanyang pamamalagi sa Pilipinas.

Dumalo umano kasi ito sa mga protesta at sumama sa mga political activities.

Nakatakdang dalhin ng abogado ni Fox na si Atty. Jobert Pahilga ang pasaporte nito sa BI para sa beripikasyon.

Matapos nito, maglalabas ang BI Special Prosecutor ng rekomendasyon kung sasampahan ng kaso si Fox o palalayain para sa masusi pang imbestigasyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?