44

Jun 26, 2018 @ 16:20
By

Inangkat na bigas ng NFA, bantayan na lang ng PNP, NBI – Pangilinan

Sa halip na mang-aresto ng mga tambay, pinatutulong ni opposition Senator Kiko Pangilinan ang mga pulis sa pagbabantay sa pagpapakalat ngayon sa merkado ng bigas na inangkat ng National Food Authority (NFA).

Pinatutulong din nito ang National Bureau of Investigation (NBI) sa pagbabantay, pag-iinspeksyon at paglusob sa mga bodega ng bigas para matiyak na walang iipit sa suplay nito.

Diin ni Pangilinan, kailangang masiguro na makararating ang bigas sa merkado at pakikinabangan ng mahihirap.

Hindi na umano dapat makapagsamantala ang mga hoarder at profiteer.

Tinukoy na ang pag-ipit sa suplay ng bigas ay muling magpapapataas ng presyo nito at magkakait ng murang bigas sa nangangailangan.

Nag-angkat ang gobyerno ng bigas matapos matuyuan ng imbak ang NFA na naging dahilan para sumirit ang presyo nito.

“Dapat din maging mapagbantay ang pamahalaan laban sa posibleng illegal diversion at repacking ng bigas na ibebenta sa mga pamilihan sa mataas na presyo. Sigurado na namang sasamantalahin ng mga hoarder at profiteer ang mga inangkat na butil para sa kanilang mga gawaing iligal,” ayon kay Pangilinan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?