13

Oct 8, 2021 @ 16:17
By

Inagurasyon ng vaccination hub sa Valenzuela hindi pangangampanya – Roque

Sinagot ng Malacañang ang puna ng mga netizen sa tila pangangampanya umano ng mga miyembro ng gabinete sa inagurasyon ng vaccination hub sa Valenzuela City.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi campaign rally ang dinaluhan nilang aktibidad at nagkataon lamang na mayroong isang kandidatong kasama din sa okasyon kaya nagpahayag ng suporta ang ilang mga bisita.

“Talagang you cannot please everyone. Bahala na po ang taumbayan. Pero ang importante nagkaroon tayo ng pinaka-malaking vaccination center sa Valenzuela,” ani Roque.

Ang batikos aniya ng netizens at mga kritiko sa mga dumalo sa inagurasyon ay pula ng mga walang maipakitang nagawa at naitulong sa gitna ng nararanasang pandemya at ang inaatupag ay magbantay sa puwedeng ibanat sa mga opisyal ng gobyerno.

“Ano lang po iyan, pula ng mga walang maipakitang mga achievements at accomplishments sa gitna ng pandemya at puro lamang pula,” dagdag ni Roque.

Kabilang sa mga binigyan ng mensahe ng suporta ng mga gabinete sa okasyon ay sina dating DPWH secretary Mark Villar na tatakbong senador at Senator Bong Go na tatakbo sa pagka-bise presidente sa darating na eleksiyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?