133
politikop-BOC
Aug 5, 2018 @ 20:49
By

Importer, broker ng ukay-ukay, sigarilyo kinasuhan ng BOC

Nahaharap ngayon sa reklamong may kinalaman sa smuggling ang mga importer at broker ng puslit na mga ukay-ukay, sigarilyo at mga produktong pang-agrikultura sa Department of Justice (DOJ).

Ang reklamo ay inihain ng Bureau of Customs (BOC) laban sa JJTS International Trading, Gandar International Import and Export Trading, Proline Logistics Philippines Incorporated, ZJDP Trading at Paragon Platinum International Trading Corporation.

Ang mga nasabing kumpanya ay kinasuhan ng paglabag Customs Modernization and Tariff Act, Republic Act 4653 paglabag sa Article 171 at 172 ng Revised Penal Code (falsification of documents).

Kasama rin sa mga kinasuhan sina Emelita Peralta at licensed customs broker na si Toni Rose Amoyen ng JJTS International Trading dahil sa pag-aangkat ng limang shipment ng misdeclared fabrics, tissue at sibuyas noong September 26, 2017 sa Manila International Container Port; gayundin si Theng Mino Gandar ng Gandar International Import and Export Trading dahil pagkakapuslit ng ukay-ukay na glaing sa China sa MICP noon ding September 2017.

Ang ikatlong kaso naman ay inihain laban sa mga opisyal ng Proline Logistics Philippines sa pangunguna ng kanilang presidente na si Wilma Bautista dahil din sa pag-aangkat ng ukay-ukay mula Hong Kong.

Dawit din sa asunto ang may-ari ng ZJDP Trading na si Zara Jane Dizon Panganiban dahil sa pag-aangkat ng tatlong container ng sibuyas at patatas mula China nang walang phytosanitary permit mula sa Department of Agriculture.

Ang ikalima namang kaso ay isinulong laban sa Paragon Platinum International Trading Corporation dahil sa iligal na importasyon ng mga sigarilyo noong February 21, 2018, pati na sa may-ari nito na si Erin Jorge Sumile at broker na si Bernadine Miranda.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?