By

Importer, broker ng ‘misdeclared’ luxury cars, kinasuhan na

Sharing is caring!

Hinahabol ng Bureau of Customs (BOC) ang isang importer at broker dahil sa P7.8 million na halaga ng misdeclared na mga mamahaling sasakyan.

Ito ay sa isinampang kaso ng BOC sa Department of Justice (DOJ) laban kay Julius Catalig, may-ari ng Juljerjac Trading at laban sa customs broker na nagproseso ng shipment na si Rodrigo de Guzman.

Reklamong paglabag sa Section 1400 at 1401 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) ang inihain laban sa dalawa.

Ayon kay Atty. Yassel Ismail Abbas, Director ng Legal Service ng BOC, nauna nang sinamsam ng kawanihan ang shipment ng Juljerjac na kinabibilangan ng dalawang segunda manong Mercedes Benz at mga gulong nito noong September 13 dahil sa misdeclaration.

Ang nasabi kasing kargamento ay idineklara lamang bilang mga auto parts nang ito ay dumating sa bansa noong July 29 mula sa Hongkong.

“The strong evidence of misdeclaration and unlawful importation warrants the filing of criminal cases against the respondents,” saad ni BOC Commissioner Isidro Lapeña.

Ang reklamong smuggling ay inihain ng BOC sa ilalim ng kanilang programa na Bureau Action Team Against Smugglers. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?