15

May 8, 2021 @ 15:15

Imperial, Mandaue kukunin ang VisMin Cup crown

Laro sa Sabado (Mayo 8)

(Game 2/Best-of-Three Finals)

7:00pm — KCS-Mandaue vs MJAS-Talisay

ISINALPAK ng reigning CESAFI MVP na si Shaq Imperial ang krusyal na three-pointer sa para maisalba ang KCS Mandaue sa makapigil-hiningang 67-66 panalo Biyernes ng gabi laban sa liyamadong MJAS Zenith-Talisay City sa Game 1 ng best-of-three Visayas leg championship ng Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup sa Alcantara Civic Center sa Cebu.

Nalusaw ang 11 puntos na kalamangan ng Mandaue subalit inigtas ng game-winning shot ni Imperial.

Ipinalasap ng Mandaue ang unang kabiguan sa Talisay City na awtomatikong umusad sa championship round matapos walisin ang six-team double round elimination ng torneo kabilang ang dominasyon sa KCS.

Pakay ng KCS na makumpleto ang matikas na pagbangon sa muling pakikipagtuos sa MJAS sa Sabado (Mayo 8) sa Game 2 ganap na 7:00 ng gabi at maitala ang kasaysayan bilang unang kampeon sa kauna-unahang professional basketball league sa South.

Abante ang Talisay sa 66-64 mula sa dalawang free throw ni Darrell Menina.

Sa opensa ng KCS, nangibabaw ang karanasan at determinasyon ni Imperial nang maisalpak ang three-pointer matapos ang dalawang sablay na tira.

Hataw si Imperial sa naiskor na 16 puntos, apat na rebounds, dalawang assists at isang steal.

“He always comes up big when his number is called,” pahayag ni KCS assistant coach Vince Urot, patungkol sa game-winning shot ni Imprerial. “We all know him from his CESAFI days. He is not afraid to take those big shots in the grandest stage.”

Nag-ambag si Gryann Mendoza ng 15 puntos, tampok ang 11 sa final period, habang kumana si Ping Exciminiano ng 10 puntos, limang rebounds, apat na assists, at tatlong steals. (Abante Sports)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?