35

Oct 12, 2017 @ 15:21

Impeach Sereno, Morales hindi sinasadya – VACC

Nagkataon lang at hindi umano sinadya ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) na patalsikin lahat ang mga opisyal ng gobyerno na “kaaway” ng administrasyong Duterte.

Ayon kay Atty. Manuelito Luna, isa sa mga abogado ng VACC, wala silang grand plan na ubusin ang mga opisyal ng pamahalaan sa pamamagitan ng paghahain ng impeachment complaint laban sa mga ito.

Aniya, bahagi ng kanilang karapatan na kuwestiyunin ang kakayahan ng ilang nakaupong opisyal kung sa pakiramdam nila ay hindi naman sila epektibo sa kanilang tungkulin.

“This is just a coincidence some officials whom the complainants feel have not been up to task, has betrayed public trust and culpably violated the Constitution. That’s the right of the people,” paliwanag ni Luna.

Isa ang VACC sa nagsampa ng impeachment complaint laban kina Comelec Chairman Andres Bautista at Chief Justice Maria Lourdes Sereno. Susunod aniya nilang sasampahan ng parehong reklamo si Ombudsman Conchita Carpio Morales.

Samantala, sinabi ni Luna na ginagawa nila ito bilang suporta sa layunin ni Pangulong Rodrigo Duterte na lipulin ang mga tiwaling opisyal ng pamahalaan, pati na rin ang kampanya ng administrasyong Duterte laban sa kriminalidad. (Ma. Isabel Billiones)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?