64

Jul 18, 2021 @ 14:47

Immunity ni VP Duterte hindi totoo—Bayan Muna

Hindi umano totoo na magkakaroon ng immunity si Pangulong Rodrigo Duterte kapag nanalo itong vice president sa 2022 elections.

Ayon kina House Deputy Minority leader Carlos Isagani Zarate at Bayan Muna chairman Neri Colmenares, kay Duterte na mismo nanggaling na personal ang kanyang motibo sa pagtakbo.

“He knows that no such immunity is given to a vice president – he is aware of this truism just like he knows then in 2016 while campaigning for the presidency that he will not really jetski himself to the Spratlys,” sabi ni Zarate.

Ipinaliwanag ni Zarate na ang vice president ay impeachable pero maaaring kasuhan gaya ng nangyari kay Vice President Jejomar Binay na naharap sa mga kaso ng graft.

“Malinaw na gustong takasan ni Pang. Duterte ang accountability niya sa kanyang bloody wars at iba pang pagkakasala sa bayan ng kanyang administrasyon,” dagdag pa ni Zarate.

Ayon naman kay Colmenares “shameless” at “legally insane” ang plano ni Duterte na tumakbo sa pagka-VP.

“The people should not allow a person to become our vice-president, not to serve the country, but for self-serving personal interest. Matapos ang ilang beses niyang sabihing matapang sya at hindi siya takot makulong, ngayon nabisto na sinungaling pala siya. Kung takot si Pres. Duterte na makasuhan at makulong, paano na lang ang mga pulis at mga opisyal na pinangakuan niya ng proteksyon at pardon?” sabi ni Colmenares.

Naniniwala si Colmenares na matatalo rin ang mga kandidato ni Duterte sa 2022 elections dahil sa personal na motibo nito at plano na magtayo ng presidential dynasty. (Billy Begas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?