308

Nov 13, 2018 @ 19:31
By

Imelda Marcos hindi pwedeng ma-pardon kung may apela – Escudero

Hindi pa kwalipikado si dating unang ginang Imelda Marcos na mabigyan ng pardon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Senador Chiz Escudero, ito ay dahil sa plano ng kampo ni Marcos na iapela ang hatol dito ng 5th division ng Sandiganbayan na pagkakabilanggo matapos mapatunayang nagkasala sa kasong katiwalian.

Ipinaliwanag nito na ang nabibigyan lang ng pardon, parole o pinababang setensya kapag pinal na ang hatol.

Hindi maituturing na pinal ang hatol kapag inapela ni Marcos.

Bukod dito, ibinibigay din lang umano ang pardon o pagpapatawad sa aminado sa kasalanan gaya sa kaso ni Senador Antonio Trillanes IV at mga sundalong Magdalo.

“The case has to be finally decided and the conviction has to be final before the possibility of such pardon, parole, or commutation would even be open for consideration,” paliwanag ni Escudero na isang abogado.

Kwestyon umano ngayon kung para sa pardon o pagsasara ng kaso ay aamin si Marcos sa pagnanakaw na matagal na itinanggi ng kanilang pamilya.

“They have denied in the past 30 years or so any such allegation and this would run counter of those claims from that, that indeed these allegations are simply politically motivated,” sabi ni Escudero sa panayam ng ANC.

Hinatulan si Marcos ng pagkakabilanggo ng 6 na taon at 1 buwan hanggang 11 taon para sa bawat bilang ng pitong kasong katiwalian laban dito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?