8

Jan 26, 2021 @ 16:00
By

Imee: Palakasin lokal na supply bago importasyon

Dapat palakasin ng Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) ang transportasyon at pagde-deliver ng mga lokal na produktong pang-agrikultura bago mag-angkat at magpatupad ng price control sa harap ng tumataas na presyo ng mga bilihin, ayon kay Senadora Imee Marcos.

Sabi ni Marcos, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, ang “knee-jerk reaction” o pagkataranta ng DA at DTI na gamitin ang importasyon bilang solusyon sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin ay isusubo lamang ang mga maggugulay, magbababoy, at magmamanok sa mga mapagsamantalang trader at cartel.

Sa Senate Resolution 619 na inihain ni Marcos, kailangan imbestigahan ang P24 billion emergency funding para sa DA sa ilalim ng Bayanihan 2, pati na rin ang pagkabigo ng DTI na ipatupad ang mga suggested retail prices nito sa mga bilihin.

“Ang kalat at medium-term programs ng DA, kabilang na ang pag-develop sa agri-entrepreneurs at ng mga research at business ‘corridors’ ay walang direktang maitutulong sa problema ngayon sa mataas na presyo ng bilihin at kapos na suplay,” pahayag ng senadora.

“Hindi na dapat ito isinama pa una pa lang sa listahan ng Bayanihan 2, hindi rin naman ito sagot sa pandemya o maging sa kakulangan sa agrikultura na ating kinakaharap ngayon,” saad nito.

“Babala lamang na dapat muna natin ubusin ang lahat ng lokal na suplay ng pagkain bago magkumahog na naman ang DA sa importasyon. Baguhin na natin ang masalimuot na prosesong ito sa isang mas angkop na paraan, na ang makikinabang ay kapwa mga magsasaka at mga pobreng mamimili,” dagdag pa ni Marcos.

Nangangamba pa rin ang mga magsasakang taga-Benguet na maaring mabulok ang kanilang ani sa mga lokal na bagsakan dahil sa kakulangan ng mga pick-up at delivery truck.

Nangangamba naman ang mga magbababoy na posibleng lalong lumala ang kaso ng African swine fever sa bansa sa pagpasok ng mga imported na karne.

“Simulan muna ang pagpapadala ng mas maraming trak na mangongolekta at magdedeliber ng mga produkong pang-agrikultura mula mismo sa mga magsasaka. Marami pang mga lokal na produktong naghihintay na maibenta,” ani Marcos

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?