88

Jun 23, 2021 @ 17:48
By

Imee Marcos sa ICC: Huwag pakialaman hustisya sa Pilipinas!

Walang kamuwang-muwang ang mga Pinoy sa paniniwalang walang bahid ng korapsyon ang International Criminal Court, na tumutukoy sa paraan nito ng pagtanggap ng mga pondo at pagpili ng mga hukom, ayon kay Senadora Imee Marcos.

“Kung magdedesisyon ang ICC na imbestigahan si Pangulong Duterte, magiging bantad ito sa pamumulitika ng iba’t-ibang bansa,” pahayag ni Marcos.

“Ang korte ay binuhusan ng malaking pondo ng mga bansa sa Europa sa mga panahong ito’y kapos, dahilan para maging dehado ang mga bansang mahihirap at hindi gaanong makapangyarihan,” dagdag pa nito.

Ibinase ni Marcos ang kanyang pahayag sa pagtukoy ng Washington-based think tank American Enterprise Institute for Public Policy Research (AEI) sa mga pangunahing nagpopondo sa ICC na kinabibilangan ng United Kingdom, France, Italy, Spain, Croatia, Japan, Mexico at Australia.

Binanggit din ng mambabatas na maaari ding i-pressure o diinan ng United States ang mga bansa kung saan mayroon silang pinoprotektahang pang-sandatahan, sa kabila nang hindi kabahagi ang Amerika ng Rome Statute na nagtatag ng ICC.

“Nakakapukaw ng interes na bago magretiro nitong nakaraang linggo, itinulak ni dating Chief Prosecutor (Fatou) Bensouda na imbestigahan si Pangulong Duterte sa kasagsagan ng pag-aanunsyo nitong palalawigin pa ang suspensyon ng Visiting Forces Agreement (VFA),” diin ni Marcos.

“Ang mga isyu sa human rights ang sasamantalahin para sa pang-militar na pakay,” dagdag ni Marcos na tumukoy sa isa pang Washington-based-think tank, ang Center for Strategic and International Studies, na nagrekomendang gamitan ng Biden administration ng dalawang klase ng diskarte para dagdagan pa ang presensya ng militar Amerikano sa Pilipinas sa pamamagitan ng dagdag-probisyon sa VFA at mas matinding pagbibigay-diin sa mga isyu ng human rights.

Ayon pa kay Marcos, ang pangangalakal sa pagpili ng ICC judge ay isa ring ‘open secret’ pati ang pag-aayos ng mga makukuhang kapalit na pakinabang ng mga estadong kabahagi ng Rome Statute.

Tinukoy pa nito na noong ratipikahan ng Japan ang Rome Statute noong 2007 at maging pinakamalaking taga-pondo sa ICC, binigyan ito ng karapatang mamili ng kanilang kababayan na si Fumiko Saida, bilang isa sa mga hukom kahit pa wala pa itong karanasang legal.

“Maging noong siya’y mamatay pinalitan ito ng isang Japanese diplomat na walang karanasan bilang isang abogado o pagiging hukom,” ani Marcos, na tumukoy sa pagkabanggit ni Kuniko Ozaki sa librong “Justice Denied: The Reality of the International Criminal Court,” giit pa ng senadora

Sa harap nito, nanawagan si Marcos sa Filipino legal community na palagan ang anumang hakbang ng ICC na hawakan ang mga kasong umano’y pag-abuso sa karapatang pantao ng giyera sa droga ng pamahalaang Duterte.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?