12

Nov 16, 2020 @ 14:49
By

Imee: DOE, Big 3 walang konsensiya!

Kinastigo ni Senadora Imee Marcos ang Department of Energy dahil sa pagpayag nito sa Petro, Shell at Caltex na magpatupad ng pagtaas sa presyo ng langis sa gitna ng delubyong dinaranas ng taumbayan sa kasalukuyan.

Sa araw ng Martes, nakatakdang magpapatupad ang Big Three ng fuel price hike na tinatayang P1.10 – P1.20 per liter sa gasolina, P1.50 – P1.60 per liter sa diesel, at P1.30-P1.40 per liter sa kerosene.

Ang pagtaas sa presyo ng langis, ayon sa DOE, ay bunsod ng pagsirit ng presyo nito sa international market dahil sa positibong balita hinggil sa bakuna kontra Covid-19.

Ayon kay Marcos, dapat munang magpatupad ang DOE ng price freeze sa mga lalawigan o mga bayan na winasak ng bagyong Quinta, Rolly at Ulysses para mabawasan ang kanilang paghihirap sa kasalukuyan.

Dagdag pa nito, hindi pa rin ganap na nakakabangon ang mga Pinoy sa pagtama ng Covid-19 ay may panibagong dagok na naman ng oil price hike.

“Triple whammy na ito sa mga Pinoy. Wala na ngang bahay at walang pagkain dahil sa mga bagyo, tinamaan pa ng virus, dinadagdagan pa ng taas-presyo sa gasolina at diesel. Nasaan ang konsensya nyo, DOE?” pahayag pa nito.

Sabi pa ni Marcos, kahit ang mga magsasaka at mangingisda na gumagamit ng krudo ay napinsala rin ng mga nagdaang bagyo.

Gumagamit naman ng kerosene ang mga mahihirap na pamilya sa lalawigan na apektado ng kalamidad.

“Konsensiya muna ang unahin bago ang kita o tubo ng “Big Three” oil companies sa bansa. Pahingahin naman ng DoE at Big Three ang mga tao,” sabi pa ni Marcos.

Katwiran ng senadora, may buffer stock pa naman sa imbentaryo ang mga kumpanya ng langis sa loob ng anim na buwan na nabili nila sa mababang presyo sa pandaigidigang pamilihan.

Sa section 14(d) ng Republic Act No. 8479 o An Act Deregulating the Downstream Oil Industry, may kapangyarihan ang DOE-DOJ Task Force na imbestigahan at kasuhan ng motu proprio ang oil companies na sangkot sa unreasonable rise of prices o overpricing ng mga produktong petrolyo sa bansa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?