54
nancy-binay
By

Imbestigasyon sa Tourism-Tulfo ads deal, tuloy – Binay

Sharing is caring!

Magsasagawa pa rin ang Senado ng imbestigasyon sa advertisement deal ng Department of Tourism (DOT) at ng media outfit ng mga kapatid ni Tourism Secretary Wanda Tulfo-Teo.

Ito’y kahit nangako na ang mga kapatid ni Teo na isasauli ang tinanggap nilang P60 milyon na bayad sa patalastas sa kanilang programa sa PTV-4.

Sinabi ni Senadora Nancy Binay, na siyang naghain ng resolusyon para sa Senate investigation sa isyu, kailangan nilang bungkalin ang kontrata para makita kung paano ginagamit ng DOT ang kanilang badyet sa advertising at marketing.

Mahalaga rin aniyang malaman kung ano ang batayan sa pagpili ng DOT ng programa kung saan sila magpapasok ng patalastas.

Kritikal din umanong mabusisi kung ano ang resulta ng mga patalastas ng DOT sa local media network o outfit at kung hiwalay pa ito sa advertising placements ng Tourism Promotions Board (TPB).

Para ngayong taon, P1 bilyon ang badyet ng DOT para sa branding habang may sariling badyet ang Tourism Board.

Anumang resulta ng imbestigasyon, sinabi ni Binay na pagbabatayan ito ng kanilang magiging pasya sa ibibigay na badyet sa DOT para sa taong 2019.

“Due to limited budget and resources, kailangang maging responsable at maingat tayo sa paggastos ng bawat piso. Hindi po biro ang budget na binibigay natin para pagandahin ang imahe ng Pilipinas at maghikayat ng maraming turista,” diin ni Binay.

Una nang pinuna ng Commission on Audit (COA) ang pagbabayad ng DOT ng kabuuang P60 milyon sa PTV-4 para sa patalastas sa TV show ng Bitag Media Unlimited, Inc.

Ang mga kapatid ni Teo na sina Ben Tulfo at Erwin Tulfo ang may-ari ng kumpanya at hosts ng programa na ipinalalabas sa PTV-4.

Sa resolusyong inihain ni Binay, tinukoy ang mga ulat na ang advertisement deal ay walang memorandum of agreement, certificate of performance, duly approved utilization request at billing statement.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?