359

Nov 8, 2017 @ 14:08
By

Imbestigasyon sa puslit na P6.4B shabu shipment, tapos na

Tinapos na ng Department of Justice (DOJ) ang imbestigasyon nito sa kaso ng P6.4 bilyong shabu shipment na naipuslit sa bansa noong Mayo.

Ito ay makaraang ideklara ng panel of prosecutors na pinangungunahan ni Assistant State Prosecutor Aristotle Reyes na submitted for resolution ang reklamong inihain ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Sa huling pagdinig na idinaos ngayong Miyerkules, naghain ng rejoinder affidavit ang mga respondent na si Mark Ruben Taguba; customs broker na si Teejay Marcellana; negosyanteng si Kenneth Dong; Hongfei Logistics Group of Companies chairman Chen Ju Long (alyas Richard Tan o Richard Chen), at dating Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) Director Neil Anthony Estrella.

Nagsumite naman ng joint memorandum si dating Bureau of Customs (BOC) Commissioner Nicanor Faeldon at ang kanyang fiancée na si Atty. Jelina Maree.

Sa kanyang rejoinder, inihayag naman ni Estrella na siya ay nababahala na makalusot sa pananagutan ang mga direktang responsable sa shabu shipment.

Nanindigan si Estrella na hindi sapat ang argumento ng PDEA para sabihin na may probable cause para masampahan ang mga opisyal ng BOC na respondents sa kaso ng reklamo sa korte.

Aniya, pinasisinungalingan mismo ng certificate of coordination na inisyu ng PDEA ang alegasyon nito na sinapawan ng BOC-CIIS ang kanilang kapangyarihan na magsagawa ng drug investigation.

Pinapatunayan umano ng nasabing certificate na ang drug operation na ginawa sa Valenzuela warehouse noong Mayo ay isinakatuparan sa ilalim ng hurisdiksiyon ng PDEA.

Taliwas din umano sa iginigiit ng PDEA, hindi na kailangan pa ng search warrant nang pasukin nila ang warehouse sa Valenzuela dahil pumayag na ang may-ari ng warehouse na si Richard Chen na gawin nila ang paghalughog. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?