34

Dec 26, 2017 @ 18:41
By

Imbestigasyon sa pagkalas ng bagon ng MRT-3, nagpapatuloy pa rin

Hindi pa tapos ang National Bureau of Investigation (NBI) sa pagsisiyasat sa nangyaring pagkalas ng bagon ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) noong Nobyembre.

Ayon kay Department of Justice (DOJ) Secretary Vitaliano Aguirre, magsusumite pa lamang ang NBI ng ulat tungkol sa posibilidad na may pananabotaheng naganap sa insidente.

Matatandaan na iniutos ni Aguirre ang imbestigasyon kasunod ng kahilingan mula sa Department of Transportation (DOTr).

“Wala pang definite results ang investigation sa MRT,” ani Aguirre.

Dagdag pa ng kalihim, layunin din ng imbestigasyon ng NBI na matiyak ang kaligtasan ng mga tumatangkilik sa MRT-3.

“Our objective is not only to get the perpetrator/s but to ensure no repetition of this event to the detriment of our riding public,” saad ni Aguirre.

Nauna nang naghinala ang DOTr na may pananabotaheng naganap sa pagbaklas ng bagon dahil sa nawawalang black box ng humiwalay na bagon.

Noong Nobyembre 16 nabaklas ang “coupler” na nagkakabit sa mga bagon ng MRT kaya humiwalay ang isa nitong bagon habang bumibiyahe malapit sa Buendia MRT-3 Station.

“It’s impossible for the coupler to separate without human intervention,” paliwanag noon ni MRT-3 Safety Chief Technician Ruel Jose.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?