235

By

Imbestigasyon sa Duterte bank accounts, ‘waste of time’ – Sotto

Sharing is caring!

Mariing tinutulan ni Senate Majority Leader Vicente Sotto III ang hirit ni Senador Antonio Trillanes IV na bungkalin ng Senado ang diumano ay malalaking bank accounts ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Magsasayang lang umano ng oras ang Senado dahil wala na ritong mapapala dahil wala namang hawak na ebidensya si Trillanes.

Ipinunto na itinanggi na ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang bank documents na umano ay hawak ni Trillanes at ginamit ng Office of the Ombudsman sa sariling imbestigasyon.

Inungkat din ni Sotto na noong 2015 pa ito akusasyon ni Trillanes pero hindi naman napatunayan.

“Susmaryosep 2015 pa yan! Wala namang pinuntahan ang isyu na yan,” ani Sotto.

“Ultimo AMLC itinatanggi na yan. Saan ka pupunta dyan? It’s a waste of time,” diin ni Sotto.

Una nang inihain ni Trillanes ang Senate Resolution no. 1602 kung saan pinaiimbestigahan ang posible umanong money-laundering activities ng Pangulo at anak na si Davao City Mayor Sarah Duterte dahil mayroon umanong milyon-milyong piso sa bangko na hindi nakadeklara sa kanilang statement of assets, liabilities and networth (SALN).

Sinabi ni Senador Richard Gordon, chairman ng Senate blue ribbon committee, na pagpupulungan muna nila kung magpapatawag sila ng pagdinig ukol sa resolusyon ni Trillanes.

Bagaman personal siyang tutol dahil mas angkop umano ang mga paratang ni Trillanes na dumaan sa impeachment proceedings sa Kamara.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?