135

By

Imbestigasyon ng UNHRC sa EJKs, sampal sa mga Pilipino – Lacson

Hindi umano dapat na payagan ang United Nations Human Rights Council (UNHRC) na mag-imbestiga sa isyu ng extra-judicial killings sa bansa, ayon kay Senador Panfilo “Ping” Lacson.

Sabi ni Lacson, mas makabubuting bigyan na lang ng pamahalaan ang mga bansang kasapi ng UNHRC na komprehensibong ulat tungkol sa nangyari sa war on drugs ng pamahalaan.

“Ang pinaka siguro at best, ang pwede nating gawin, gumawa tayo ng comprehensive report kung ano talaga ang lowdown, ano ang nangyayari sa ating drug war at pwede natin silang bigyan,” pahayag ni Lacson sa panayam sa dzBB kahapon.

“Pero para payagan nating mag-imbestiga sila rito, parang sampal naman sa atin ito. Para tayong batang paslit na hindi alam ang ginagawa,” dagdag pa nito.

Sabi ni Lacson, kahit anong ahensiya aniya ng gobyerno ay maaring magsagawa ng ulat basta’t may basehan ito.

“Makikita naman kung dinuktor ang report, at kung biased naman ang report, halimbawa ipaubaya natin sa Commission on Human Rights natin yung paggawa ng report, ganun pa rin e,” ani Lacson.

“Wala namang statute yung Commission on Human Rights para magpadala ng report on behalf of the Philippine government, kundi ang magsa-submit ng report, if at all, yung executive branch. At dapat nakasaad din doon kung ano yung action taken,” sambit pa nito.

Naniniwala din si Lacson na walang pressure sa panig ng gobyerno para sumunod sa panawagan ng resolusyon dahil hindi ito naaprubahan ng mayorya ng mga miyembro ng UNHRC.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?