By

Imbestigasyon ng Senado sa Yolanda housing, OK sa Palasyo

Sharing is caring!

Welcome sa Malacañang ang plano ni Senador JV Ejercito na imbestigahan ang housing project para sa mga naging biktima ng bagyong Yolanda sa Tacloban City.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na bukas ang Palasyo sa hakbang ng Senado dahil maraming reklamong natatanggap kaugnay sa hindi matapos-tapos na pabahay para sa mga naging biktima ng bagyong Yolanda.

“Sang-ayon po tayo diyan. Napakalaking eskandalo po nangyari diyan sa Yolanda resettlement na ‘yan. ‘Yan ‘yung proyektong ipinagmamalaki noong tumakbo sa pagka-presidente si Mar Roxas. Ang dami nga pong reklamong natatanggap pero mahirap pong magsalita,” ani Roque.

Ayon sa kalihim, maraming impormasyong natatanggap na reklamo ang tanggapan ni Pangulong Rodrigo Duterte patungkol sa Yolanda Housing, na bagama’t maraming tumulong at nag-donate ay hindi pa rin nabibigyan ang lahat ng biktima ng permanenteng tirahan.

Sinabi ni Roque na malayo ito kumpara sa housing na ipinapatayo ng Duterte administration sa Marawi para sa mga naging biktima ng giyera.

“Ikumpara na lang natin ang tahanan ni Digong sa Marawi City sa tahanan nu’ng nakalipas na administrasyon. Kaya po welcome natin ‘yung imbestigasyon na ‘yan,” dagdag ni Roque.

Bukod sa Tacloban City ay may mga natuklasan ding mga nakatenggang housing projects ng dating administrasyon sa Compostela Valley at ayaw tirhan ng mga residente dahil sa mapanganib umanong lokasyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?