65

Oct 18, 2017 @ 14:12

Imbestigasyon muna bago deportasyon sa Koreanong sangkot sa droga

Hindi muna ipoproseso ng Bureau of Immigration (BI) ang deportasyon ng puganteng Koreano na nadakip ng kawanihan sa Angeles City, Pampanga.

Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, iimbestigahan muna ng mga awtoridad kung si Noh Jun Ho ay sangkot sa kalakaran ng iligal na droga sa Pilipinas.

Kaugnay nito, hihilingin aniya ng BI sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na pansamantalang kunin ang kustodiya ni Ho para maisailalim sa imbestigasyon, at kung kinakailangan, masampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act o Republic Act 9165.

“We want the PDEA to investigate if he was really involved in illegal drugs,” saad ni Morente.

Tinukoy pa ng opisyal na batay sa intelligence report na kinalap ng BI-Fugitive Search Unit (BI-FSU), si Ho ay nagbebenta ng iligal na droga sa kanyang mga kapwa Koreano na nasa Pilipinas bago siya maaresto nitong Martes sa Angeles City.

Batay pa umano sa kanilang impormasyon, may nakabinbin nang kaso na may kinalaman sa droga laban kay Ho sa Angeles City Regional Trial Court.

“Should we find that said reports about him are not true, then that’s the time we will deport him to Korea so he could be prosecuted and sentenced for crimes he committed in his country,” paliwanag ni Morente.

Batay sa record ng BI, si Ho ay huling dumating sa bansa nitong Oktubre 26, 2016.

Nakakulong na siya ngayon sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa sa lungsod ng Taguig. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?