37
belgica
By

Imbestigasyon kay Macarambon, tuloy pa rin – Belgica

Sharing is caring!

Bagama’t nagbitiw na sa puwesto, tuloy pa rin ang imbestigasyon ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) kay dating Justice Assistant Secretary Moslemen Macarambon.

Si Macarambon ang inaakusahang nagpadrino sa kanyang balae na nagpuslit ng milyun-milyong pisong halaga ng alahas sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ito ang inihayag ni PACC Commissioner Greco Belgica, na kamakailan lamang ay nagsagawa ng operasyon laban sa mga balae ni Macarambon na si Mimbalawang Bangsa-An Abullah at asawa nito katuwang ang National Bureau of Investigation at Bureau of Customs.

Ayon kay Belgica, nagsasagawa pa sila ng mas malalim na pagsisiyasat sa posibleng administratibong pananagutan ni Macarambon at ito ay kanila namang idudulog sa Ombudsman.

Sinabi rin ni Belgica na inaasahan nilang magsasagawa rin ng hiwalay na imbestigasyon ang Ombudsman para naman sa maaaring kriminal na pananagutan ni Macarambon.

Si Abudallah ay tinulungan umano ni Macarambon noong Disyembre 2017 matapos mahuli sa NAIA na may bitbit na mahigit P15 milyong halaga ng alahas.

Sa halip na pagbayarin ng P6.9 milyon na buwis ay naibaba ito sa P1.3 milyon nang pumagitna si Macarambon.

Muling nahuli noong Mayo 5, 2018 ang mag-asawang Abdullah sa NAIA, kasama si Customs Flight Supervisor Lomodot Macabando sa pagpuslit naman ng halos dalawang kilo ng alahas na nagkakahalaga ng P6 milyon kasama na ang bayarin sa buwis.

Bagama’t nahuli sa akto ang pagpuslit sa alahas, pinakawalan pa rin ng piskalya sa Pasay City ang mga hinihinalang smuggler dahil sa kakapusan umano ng ebidensiya.

Naghihinala ang PACC na matagal nang nag-o-operate ang smuggling syndicate ng mga Abdullah at gumagamit sila ng mga padrino mula sa iba’t ibang tanggapan ng gobyerno.

Bukod kay Macarambon, sinabi ni Belgica na inirekomenda rin nila na mapatawan ng preventive suspension ang tatlong piskal, isang dating district collector, isang abogado mula sa Custom’s legal division at isang flight supervisor.

Nais din nilang pagpaliwanagin ang dalawang opisyal mula sa Customs Intelligence and Investigstion Service, isa pang district collector at isang abogado mula sa MIAA kung bakit hindi sila dapat madawit sa kontrobersiya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?