21

Jun 18, 2020 @ 19:16
By

Imbestigasyon kay Duque, ‘di sana pakitang-tao – Pangilinan

Tama lang na imbestigahan ng Ombudsman si Health Secretary Francisco Duque III at iba pang mga opisyal ng Department of Health (DOH) kaugnay ng kanilang pagtugon sa COVID-19 pandemic.

Subalit umaasa si Senador Francis Pangilinan na seryoso ang imbestigasyon kay Duque lalo na’t nauna na siyang inabsuwelto ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ilang anomalyang kinasasangkutan nito.

“Dapat naman at sana seryosong pag-iimbestiga ito at hindi pakita lang dahil inabsuwelto na ni Duterte si Duque,” pahayag ng Pangilinan sa kanyang text message sa Abante.

Matatandaan na ipinagtanggol ni Pangulong Rodrigo Duterte si Duque kaugnay ng alegasyon sa pagbili ng “overpriced” na mga gamit ng DOH para sa COVID-19 testing.

Ginisa din si Duque sa pagdinig sa Senado dahil sa overpriced na presyo ng PPEs.

Samantala, naniniwala naman si Senador Joel Villanueva na paiiralin nito ang ‘due process’ sa gagawing imbestigasyon laban kay Duque at iba pang opisyal ng DOH.

“Bilang kalihim ng isang mahalagang kagawaran, malaking responsibilidad ang nakaatas kay Secretary Duque at inaasahan po sa kanya na tutuparin niya ang tungkulin alinsunod sa ating batas,” sabi ni Villanueva.

“Trabaho po ng Ombudsman na kilatisin ang mga reklamo at alegasyon laban sa mga naglilingkod sa taumbayan. Tiwala po tayo sa ating Ombudsman na pananatilihin nito ang due process na nakasaad sa ating mga batas,” dagdag pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?