337

Nov 8, 2017 @ 16:01
By

Imbestigahan ang shabu modus ni Yu Yuk Lai – Barbers

Hinimok ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na laliman ang imbestigasyon sa modus operandi at pinagkukunan ng iligal na droga ng convicted drug Queen na si Yu Yuk Lai at anak nito.

Ito’y kasunod nang pagkakasamsam ng mga tauhan ng PDEA sa mahigit P17 milyong halaga ng shabu at cash sa dalawang magkasunod na raids sa loob ng Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City kung saan nakakulong si Yu Yuk Lai, at sa condominium unit malapit sa Malakanyang ng anak nitong si Diana Yu Uy.

Base sa impormasyon, ginagamit ni Diana ang negosyo nitong bigasan bilang front para itago ang kalakalan ng iligal na droga habang palihim na ipinapasok ang kontrabando sa loob ng CIW bilang ito ang nagsu-supply ng bigas sa catering facilities sa loob ng masabing correctional.

Sabi ni Barbers, hindi dapat tumigil ang PDEA hanggang matukoy ang “outside contacts” ng mag-ina.

Dapat rin aniyang silipin ang posibilidad na sangkot si Diana sa rice smuggling kung saan itinatago ang shabu shipment.

“The PDEA should probe the possibility that Diana is also involved in rice smuggling where shabu and illegal drugs are being stashed and concealed to avoid detection,” ayon kay Barbers.

Pinatitingnan naman ng kongresista sa Philippine National Police kung bakit merong VIP Security escorts si Diana.

“Ang tindi naman nito, the PNP is providing VIP security escort to a suspected drug lord,” pagdidiin ng kongresista. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?