116

By

Imbes sa kulungan, kelot dumiretso sa kamatayan

Sharing is caring!

Kulungan sana ang pagdadalhan sa isang 31-anyos na lalaki subalit nagawang mang-agaw ng baril at mapatay ng isang bagitong pulis nang arestuhin sa kasong pangmomolestiya sa dalawang babae kabilang na ang isang pitong taong gulang na bata, kamakalawa sa Pasig City.

Kasong acts of lasciviousness at paglabag sa RA 7610 Special Protection of Children Against Abuse and Exploitation sana ang haharapin ng suspek na si Paolo Nel Pabale y Lanyada, 31, walang asawa at residente ng No. 1 Buena Compound, Cainta, Rizal subalit nang-agaw ng baril at kamatayan ang agad na kinahantungan nito.

Batay sa report, naganap ang insidente bandang alas-nuwebe kamakalawa ng gabi sa kahabaan ng Dr. Sixto Antonio Avenue, Barangay Rosario, Pasig City nang arestuhin si Pabale ng mga tauhan ng PCP 6 sa pangunguna ni PO1 Rey Pacis y Pitpitoc.

Una nang nakatanggap ng reklamo ang pulisya nang magsampa ng kaso si Annaliza Villagen kasama ang kanyang 7-taong gulang na anak na itinatago sa pangalang “Mila” sa himpilan ng PCP 6 sa Barangay Sta. Lucia, Pasig City kaugnay sa pangmomolestiya ng suspek sa kanyang anak.

Ayon sa ina ni “Mila”, hinawakan daw ng suspek ang pribadong ari ng kanyang anak nang magsumbong ito sa kanya at agad na ini-report sa pulisya ang nangyari.

Isa namang biktima na si Eva Contusido y Tambungan, nasa hustong gulang at residente ng Summer Happy Homes, Antipolo City ang naghain din ng reklamo sa panghihipo ng suspek sa kanyang dibdib.

Agad na nagsagawa ng follow-up operation ang pulisya at nakita ang suspek na umiinom sa loob ng Kutsaron KTV bar sa Ortigas Avenue Ext., Rosario, Pasig City at biglang nagwala nang makita ang mga paparating na pulis at naaresto rin at dinala sa PCP 6.

Matapos ang interogasyon sa suspek ay dadalhin umano ito sa ospital para sa medical examination at habang papunta na sila sa Pasig City General Hospital ay agad nitong inagaw ang baril ni PO1 Pacis, nagpambuno hanggang sa aksidenteng mabaril ang suspek na tinamaan sa ulo.

Dead on arrival sa nasabing ospital ang suspek na dapat sana ay magpapa-medical examination lamang.

Samantala, isinurender ni PO1 Pacis ang kanyang service firearm na 9mm Beretta pistol habang isinasailalim pa sa imbestigasyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?