232

Nov 9, 2017 @ 18:41
By

Illegal recruiter, tiklo ng CIDG

Arestado ang isang illegal recruiter matapos ang isinagawang operasyon ng mga tauhan ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group-Anti Transnational Crime Unit (PNP-CIDG-ATCU) sa Pedro Gil, Manila kahapon.

Kinilala ang naarestong suspek na si Melanie Mijarez, residente ng Dasmariñas, Cavite.

Ayon kay PNP-CIDG-ATCU Chief, Police Supt. Roque Merdeguia, modus ng suspek na maningil ng P50,000 hanggang P100,000 para raw sa processing fee at booking expenses.

Papangakuan ang mga biktima nito na mabilis na makakabiyahe patungo ng Macau dahil direct hiring umano ang kanilang programa.

Pero matapos ang ilang buwang paghihintay, hindi napaalis papuntang Macau ang mga biktima.

Ang pagkakaaresto sa suspek ay dahil sa reklamo ng kanyang mga naging biktima.

Napag-alaman pa ng PNP-CIDG-ATCU na wala itong lisensiya sa POEA para mag-recruit.

Hinihikayat naman ng CIDG ang iba pang mga nabiktima ng suspek na makipag-ugnayan sa CIDG para sa pagsampa ng kaukulang kaso.

Sasampahan ng kasong paglabag sa RA 8042 (Large Scale Illegal Recruitment) at Art. 315 of RPC (Estafa) ang suspek. (Red Fortaleza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?