bylines-milky-rigonan
By

Ilatag na ang mitigating measures

Sharing is caring!

Kahit ito’y nasa kapangyarihan ng Kamara, dahil lahat ng revenue measures ay dapat nagmumula sa House of Representatives, handa ang Senado na kung kinakailangan ay repasuhin o amiyendahan ang napagtibay na tax reform for acceleration and inclusion o train law.

Pero sabi ni Senate President Tito Sotto dapat marinig muna ng Senado ang briefing ng economic managers ng Duterte administration.

Ito ay sa harap ng mga reklamo sa patuloy na pagtaas ng presyo ng basic commodities and services.

Ayon kay Sotto, dapat tignan lahat ng factors at mabalanse ang negatibo at positibong epekto ng TRAIN law sa ekonomiya.

Sa ngayon, matatag ang posisyon ng economic managers ni Pangulong Rodrigo Duterte na panatilihin ang TRAIN law.

Hindi umano padadala ang mga ito sa panawagan ng ibat-ibang sektor na i-repeal o suspindihin ang batas dahil mas maraming programa ng gobyerno ang madidiskaril.

Sabi ni Sotto, maraming factors ang pagtaas ng presyo ng bilihin lalo na ng petroleum products resulta ng paggalaw nito sa world market.

Dependent ang Pilipinas sa inaangkat na krudo kaya konting kembot lang ng presyo nito sa pandaigdigang pamilihan, tumataas din ang presyo ng petroleum products sa Pilipinas at ang chain effect nito sa basic commodities and services.

Sa punto ni Senator Migz Zubiri, dapat pag-isipan na ng pamahalaan ang long term solution. Dapat ngayon pa lang, isinusulong na ang pagpapalakas ng mga renewable sources of energy.

Paliwanag ni Zubiri, temporary relief lang sa publiko sakaling suspindihin ang ipinapataw na excise tax sa petroleum product sa ilalim ng TRAIN law. Habang dependent kasi ang Pilipinas sa imported crude, hindi tayo makaliligtas sa epekto ng paggalaw ng presyo ng krudo sa world market.

Habang pinag-uusapan ang to repeal or not to repeal… to amend or not to amend ang TRAIN law, di na magkasya ang budget ni Juan dela Cruz.

Sa panig ni Senator Nancy Binay, bukod sa gagawing briefing ng eco team ni Pangulong Duterte, nasaan na ang mitigating measures ng gobyerno? In place na ba ito?

Sa ilalim ng 2018 national budget, P28.8-billion pesos ang pondong inilaan para ma-offset ang epekto ng bagong tax measures sa pasanin ng publiko.

Kabilang sa mitigating measures na dapat ipatupad para mabawan ang epekto ng TRAIN law ay fuel vouchers sa mga jeepney franchise holders, fare discount sa mga minimum wage earners at pinakamahihirap na pamilya, diskwento sa presyo ng NFA rice, buwanang P200 subsidy sa mga indigent families sa ilalim ng unconditional cash transfer program ng DSWD at iba pa.

Sabi ni Binay, di na makaagapay ang publiko sa epekto ng TRAIN law kaya dapat maramdaman na ang mga tinatawag na mitigating measures ng gobyerno.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?