179

Dec 5, 2017 @ 13:15
By

Ilang solon pumiyok sa pagtapyas ng budget ng right-of-way – Lacson

Nagkabistuhan na kung sino-sinong mga senador at kongresista ang may isiniksik na pork barrel funds sa panukalang pambansang badyet para sa taong 2018.

Ayon kay Senador Panfilo Lacson, pumiyok ang mga kapwa mambabatas sa gitna ng kaniyang pagpapakaltas sa P50.7 billion pesos na budget ng DPWH para sa mga right-of-way at infrastractruce projects.

Bigla aniyang umamin ang ilang senador at kongresista na mayroon silang pet projects sa kani-kaniyang balwarte na umaasa ng pondo mula sa ipinakakaltas ni Lacson.

Hindi naman pinangalanan ang mga mambabatas na may pork barrel dahil hindi raw nya gustong ibisto ang mga ito bagkus gusto lang niyang liwanagin kung paano gagamitin ang nasabing halaga na maliwanag na lump sum.

“Anong malay ko sinong tatamaan sa (P50.7-billion cut), naglabasan sila ngayon, ‘akin yan,’ ‘akin yan,’ ‘akin yan.’” Ayon kay Lacson.

“Kaya nga nagtuturu-turuan na nga. Kaya sabi ko unintended consequence na nalaman tuloy sinu-sino may mga project. Pero ako di ko intention. I was telling them, I did not even bother to find out kaninong project yan. Malay ko ba. Tiningnan ko ang lump sum eh. Ang nai-submit lang nila kinwestyon namin ang lump sum na ROW na P49 billion, nag-submit sila ng list if claimants so di namin pinakialaman,” dagdag ng senador.

Ipinakakaltas ni Lacson ang P50.7 bilyon dahil hindi maliwanag kung magkano ang gagamitin sa aktwal na civil works at kung magkano para sa right-of-way (ROW).

Gusto niyang klaro kung magkano ang para sa right-of-way at kung ano ang status ng mga ito dahil kung hindi pa naman ito maipagagawa, hindi muna ibibigay ang pondo para sa aktuwal na proyekto.

“Sabi ko, huwag kayo sumama loob sa akin kasi nagtatrabaho lang naman ako. Kung di ako nagtatrabaho di ko malalaman yan. Ganoon naman yan eh. Eh nasasayang ang pera eh… Sa isang taon ganoon na naman,” ani Lacson. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?