66

Nov 15, 2021 @ 22:13
By

Ilang solon hati sa pag-apruba sa prangkisa ng e-sabong firm

Hati ang mga miyembro ng House Committee on Ways and Means sa pag-apruba sa tax provision ng panukalang prangkisa para sa Visayas Cockers Club Inc. (VCCI).

Sinabi ng chairperson ng komite na si Albay Rep. Joey Salceda na ito ang unang pagkakataon na kakailanganin niyang magpatawag ng botohan para ipasa ang isang panukala.

“Oh my God, this is the first time that I will divide the House,” sabi ni Salceda.

Pitong miyembro ng komite ang pumabor sa pag-apruba ng panukala, tatlo ang tutol at isa ang abstained.

Binanggit din sa pagdinig ng komite ngayong Lunes ang sulat na ipinadala nina dating House Speaker at incumbent Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano at Deputy Speaker at CIBAC Rep. Bro. Eddie Villanueva na nagpapahayag ng kanilang pagtutol sa panukala.

Sa kanyang sponsorship speech, hiniling ni House Deputy Speaker at Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr., ang agad na pagpasa sa substitute bill ng House Bill 10204 na katulad umano ng prangkisa na inaprubahan ng Kamara para sa Lucky 8 (HB 10199).

“This unnumbered bill, which is a substitute of HB 10204 is meant to be an exact copy of already an approved bill 10199 granting Lucky 8 the same franchise. On that note I don’t think there would be a need for any more discussion…” sabi ni Teves.

Kinuwestyon naman ni Deputy Speaker at Manila Rep. Bienvenido Abante ang panukala dahil pinapayagan umano nito ang VCCI na mag-operate saan man sa bansa.

Sinabi naman ni Teves na mananatili ang pagbabawal sa mga lugar na malapit sa simbahan at eskwelahan. “Standard na yan hindi na kailangang sabihin yun.”

Pero sinabi ni Abante na dapat malinaw ito.

“Hindi ko lang maintindihan bakit may tanong dito sa kabila (HB 10204) sana consistent sila nagtanong din sila dun sa isa (HB 10199)…. Parehong bill lang to eh,” giit ni Teves.

Pero ipinunto ni Salceda na ang mga itinatanong sa HB 10204 ay itinanong din sa HB 10199.

“Okay lang kasi those questions were also asked. In fact there is a full presentation to answer those questions,” sabi ni Salceda.

Nagtanong din si Abante kung bakit pa ang legislative franchise gayong ang e-sabong ay inire-regulate na ang Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR).

Paliwanag naman ni AAMBIS-OWA Rep. Sharon Garin, sa kasalukuyan ay walang malinaw na batas na nagsasabi na ang PAGCOR ang dapat mag-regulate ng e-sabong. Punto niya mayroon ding regulasyon ang mga lokal na pamahalaan at Games and Amusements Board sa sabong.

Sa ilalim ng inaprubahang tax provision, magbabayad ang VCCI ng 5% buwis na kasing halaga ng gross gaming receipt nito. Ang iba pang kikitain ng VCCCI na walang kinalaman sa prangkisa ay bubuwisan naman sa ilalim ng National Internal Revenue Code.

Ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ay binibigyan din ng kapangyarihan na inspeksyunin ang gaming device na ginagamit sa pangongolekta ng taya upang matiyak na tama ang ibinayad na buwis ng VCCI.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?