138

By

Ilang senador, kongresista ‘umaray’ sa pagtapyas sa pondo ng DPWH

Sharing is caring!

Maraming senador at kongresista ang asar kay Senador Panfilo Lacson.

Sa ambush interview sa Kamara, sinabi ni Lacson na ang dahilan nito ay ang pinatapyas niyang P50.7 bilyon sa pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Depensa naman ng senador, ang naturang pondo ay para sa right-of-way ng mga proyekto para sa susunod na taon na hindi pa naman nareresolba ng DPWH.

Mahirap aniyang ilaan ang pondo dahil ang right-of-way ang kadalasang dahilan kung bakit may malaking unused funds sa ilalim ng pambansang pondo taon-taon.

Ayon kay Lacson, maaari pang madagdagan ang makakaltas sa right-of-way allocations dahil may natukoy pang P164 milyon na ang claimants ay isang John Doe o unknown.

“Paano naman babayaran o iisyuhan ng checks ng gobyerno ang claimants na hindi kilala ng DPWH?” tanong ni Lacson.

Sinabi ni Lacson na maraming proyekto ng mga senador at kongresista ang tinamaan dahil sa kanyang ginawa at umangal ang mga ito sa kanya.

Inamin naman ni Senador Cynthia Villar na kabilang siya at si Senador Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri sa mga may tinamaang proyekto.

Ayon kay Villar, kinausap na niya si Lacson dahil maiipit ang kanyang proyekto para sa kalsada, tulay at flood controls sa Las Piñas. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?