sereno2
By

Ilang senador ayaw makialam sa quo warranto proceedings vs Sereno

Sharing is caring!

Ibinasura ng ilang senador ang panawagan ng isang grupo na magpatibay sila ng resolusyon na magigiit sa Korte Suprema na suspendihin ang quo warranto proceedings laban kay Chief Justice on-leave Maria Lourdes Sereno.

Ang grupong Coalition for Justice (CFJ) ang humihingi ng nasabing resolusyon at humahamon din sa mga senador na ipaglaban ang kanilang kapangyarihan na maglitis kay Sereno bilang impeachment court.

Sinabi ni Senador Chiz Escudero na hindi maaring igiit ng Senado ang poder nito na magdaos ng impeachment trial dahil hindi pa naman ini-impeach ng Kamara si Sereno.

Magiging “presumptuous” o mangunguna umano ang Senado kung ipagpapalagay nito na mag-aakyat ang Kamara ng articles of impeachment laban kay Sereno.

Dagdag ni Escudero, kung sa tingin ng grupong CFJ ay nalalabag ang karapatan ni Sereno sa due process dahil sa quo warranto petition laban dito, walang ibang lugar para rito kundi ang Korte Suprema kung saan dinidinig na ang petisyon laban sa punong mahistrado.

Wala ring balak sina Senate majority leader Tito Sotto at Senador Panfilo Lacson na magsulong ng ganoong resolusyon dahil sa prinsipyo ng separation of powers.

Binigyang-diin na hindi maaring pakialaman ng Senado ang quo warranto proceedings na ginagawa na ng Korte Suprema at hindi rin pwedeng makialam ang Korte Suprema sakaling sila naman ang magdaos ng impeachment trial.

Gusto naman ng Senate minority bloc na ipaglaban ang poder nilang magdaos ng impeachment trial at hingin nila ang pagpapahinto ng quo warranto proceedings.

Pero ayon kay Senate minority leader Franklin Drilon, anim lang sila sa minorya kaya hindi nila maipapanalo ang anumang resolusyon na ihahain ukol dito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?