69

Oct 2, 2017 @ 18:30

Ilang pulis, kakanta na laban sa EJKs – CBCP

Handa na umanong magsalita ang ilang mga pulis kaugnay ng nagaganap na extrajudicial killings sa bansa.

Ayon kay Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) at Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, ilang mga alagad ng batas ang lumalapit na sa Simbahang Katoliko at nagpahayag ng kagustuhan na isiwalat ang kanilang partisipasyon sa extrajudicial killings.

Naniniwala si Villegas na nakokonsensya na ang ilang pulis sa nagaganap na patayan sa bansa.

“Law enforcers have come forward confidentially to us, their spiritual leaders, to seek sanctuary, succor and protection. They have expressed their desire to come out in the open about their participation in extrajudicial killings and summary executions. Their consciences are troubling them,” pahayag ni Villegas.

Sinabi ng arsobispo na pag-aaralang mabuti ng Simbahan ang sinseridad, motibo at katotohanan sa ilalahad na mga kwento ng mga alagad ng batas.

Kasabay nito, tiniyak din niya na nakahanda ang Simbahan na bigyan sila ng proteksyon, pati na ang kanilang pamilya kung kinakailangan.

“The hospitality, comfort and acceptance that they seek from the Church will be attended to. Whatever we do to the least of our brethren we do to Christ.. (cfr. Mt. 25:40),” dagdag ni Villegas.

Aniya, titiyakin din ng Simbahang Katoliko na hindi sapilitan ang pagkuha ng testimonya sa mga pulis, at sila ay bibigyan ng mahusay na abugado para sa anumang pahayag, salaysay o deposition na nais nilang ilahad.

“If their preference is to stay with us in the Church, they will not be turned over to the State under its own witness-protection program,” giit ng pinuno ng maimpluwensyang samahan ng mga Katolikong Obispo. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?