62

May 1, 2020 @ 9:24
By

Ilang POGO balik-operasyon ngayong Mayo

Inaprubahan na ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases ang muling pagbubukas ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), na 30% lang ang capacity, simula ngayong buwan.

Sinabi ito ni Philippine Amusement and Gaming Corp. Chair-CEO Andrea Domingo sa panayam sa DZBB.

Wika rin ng pinuno, ang mga pwede lang magpatuloy sa operasyon ay mga POGO na buong nagbayad ng kanilang mga buwis sa Bureau of Internal Revenue, at nakatiyak na lahat ng kanilang 120,000 kawani ay may working visa.

Nangako aniya ang mga POGO na magbabayad ng kanilang pinagsamang minimum guaranteed fee na P350 milyon nitong Abril bilang isa sa mga kondisyon para sa reopening. Inaasahang tataas ito mula P500 milyon hanggang P650 milyon kada buwan.

Tiniyak din umano ng mga POGO na babayaran ang buong sahod ng 31,500 nilang manggagawang Pilipino para sa buwan ng Abril, at itutuloy ang pagpapasahod sa mga ito, magtatrabaho man sila o hindi matapos ang reopening.

Sabi ni Domingo, kakailanganin ng mga POGO ng isa o dalawang linggo para makabalik sa operasyon na natigil mula Marso 16.

Ang 52 POGO aniya ay nangakong magpapatupad ng mahigpit na social distancing at disinfection rules, at maglulunsad ng COVID-19 testing sa mga kawani kada 14 araw.

Idi-disinfect din umano ang workplace kada shift change, at maglalaan ng housing at transportasyon sa mga kawani. “Bahay opisina lang sila,” ani Domingo.

Sabi pa ng opisyal, katulad lang ng ibang business process outsourcing
operator ang mga POGO na pinayagang maging bukas habang may lockdown.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?