61

Dec 13, 2017 @ 18:05
By

Ilang opisyal, board members ng tuna canning firm pinakakasuhan

Pinakakasuhan na ng Department of Justice (DOJ) ang ilang miyembro at opisyal ng Board of Directors ng isang publicly listed company sa Philippine Stock Exchange (PSE).

Partikular na pinasasampahan ng DOJ ng reklamong paglabag sa Sections 74 at 75, in relation to Section 144 ng Corporation Code of the Philippines ang mga opisyal at miyembro ng board ng Alliance International Incorporated na isang tuna canning firm.

Ang reklamo ay inihain ng mga dayuhang shareholders ng Alliance kabilang na ang Harvest All Investment Limited, Victory Fund Limited at Bondeast Private Limited laban kina Annsley Bangkas, Assistant Corporate Secretary ng Alliance; George Sycip, Chairman of the Board of Directors; Alvin Dee; Jonathan Dee, at Ibarra Malonzo na pawang mga miyembro ng Board of Directors.

Nag-ugat ang reklamo laban sa mga respondent sa diumano’y pagtanggi nila na mainspeksiyon ng mga complainant ang corporate books and records ng Alliance.

Alinsunod sa Sections 74 at 75 ng Corporation Code, binibigyan ng karapatan ang sinuman sa mga miyembro, direktor at stockholder ng isang korporasyon na inspeksyuninang libro ng kumpanya at kung ito ay ipagkakait, may multa na hanggang P10,000 at pagkabilanggo ng hanggang limang taon ang ipapataw na parusa.

Sa walong-pahinang resolusyon ng DOJ na isinulat ni Undersecretary Deo Marco, may probable cause para kasuhan sa korte ang mga respondent.

Tinukoy ng DOJ na ang matagal na pagkaantala sa pag-aksyon sa kahilingan ng mga complainant ay maituturing nang pagkakait sa kanilang karapatan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?