21

May 4, 2020 @ 15:06
By

Ilang nasunugang pamilya sa Malabon bumabangon na

Matapos ang sunog sa Barangay Tonsuya, Malabon noong Miyerkoles ng gabi, sinisikap na ng ilang apektadong pamilya na buuin muli ang kani-kanilang tahanan.

Ayon sa Bureau of Fire Protection, nagsimula ang sunog sa Sanciano Street bandang alas-siyete ng gabi, Abril 29.

Umabot ito sa ikatlong alarma bago maapula lampas alas-nuwebe ng gabi.

Bagaman walang nasaktan sa insidente ay natupok ang 45 bahay na yari sa light materials, nasa P850,000 ang halaga ng pinsala, at ‘di bababa sa 70 mag-anak ang naapektuhan.

Inaalam pa rin kung saan nagsimula ang sunog.

Limang araw makalipas ang sunog, nasaksihan ni Abante journalist Patrick Adalin na may ilan nang residente na nagtutulong-tulong upang maitayong muli ang kanilang mga bahay.

Ginagawa nila ito kahit pa hirap sila sa pagkuha ng mga materyales at kulang sila sa puhunan dahil sa pinatupad na NCR lockdown.

May iba namang residente na nagtayo ng tent sa mga naabong bahay para may pansamantalang matuluyan at mahigaan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?