11

Jan 26, 2021 @ 12:20
By

Ilang mayor sa Metro Manila takot sa Covid UK variant; gusto panatilihin GCQ

Gustong panatilihin ng ilang mayor sa Metro Manila ang pagpapatupad ng general community quarantine (GQC) sa National Capital Region (NCR) dahil sa banta ng bagong COVID-19 variant.

Ayon kay Metro Manila Council (MMC) chairman at Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, hindi pa maaaring magluwag ng age bracket ang NCR dahil sa banta ng bagong variant ng virus.

“Itong atin pong binabantayan ngayon itong ating new variant eh, alam naman natin sa ibang probinsiya, mayroon nitong UK variant na bago. Hindi pa tayo puwedeng magluwag talaga, lalo na sa ating age bracket,” saad niya sa isang panayam.

Para naman kay Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro ng Marikina, dapat maging malinaw ang datos na naitala sa NCR na may kaugnayan sa UK variant ng virus.

“Kailangan malinaw ‘yung data natin eh tungkol sa bagay na ‘yan, una kung ilan ang active cases, tumataas ba ‘yung statistics natin ng COVID-19 cases natin o nagfa-flatten na talaga. Hindi puwedeng speculative tayo diyan eh,” sambit niya.

Dagdag pa niya, mas mainam na mabakanuhan muna ang mga bata bago pa ito pahintulutang makalabas ng kani-kanilang bahay.

Para naman kay Mayor Toby Tiangco ng Navotas, dapat na mabalanse ang kaligtasan ng publiko at pagbangon ng ekonomiya.

“[T]itingnan natin kung paano ba mabalanse ito… Isang sinasabi ko lang, ang dapat kasing maging consistent tayo, ano ba ang ituturo nito sa mga bata,” wika niya.

Una nang sinabi ni Olivarez na magpupulong ang MMC ngayong araw upang pag-usapan kung pananatilihin ba ang GCQ sa NCR.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?