213

Dec 30, 2017 @ 10:36

Ilang kalsada sa Maynila isasara bukas para sa prusisyon ng Nazareno

Pansamantalang isasara sa daloy ng trapiko ang ilang kalsada sa Maynila sa araw ng Linggo, Disyembre 31, bisperas ng Bagong Taon.

Ito ay dahil sa gagawing thanksgiving procession ng Poong Itim na Nazareno.

Sa abiso ng Manila District Traffic Enforcement Unit, partikular na isasara sa trapiko simula ala-una ng madaling-araw ang mga sumusunod na kalsada:

Southbound lane ng Quezon Boulevard mula A. Mendoza hanggang Plaza Miranda;

Eastbound lane ng CM Recto Avenue mula Rizal Ave. hanggang SH Loyola St.;

Westbound lane ng España Boulevard mula P. Campa hanggang Lerma St.

Ang mga motorista naman na maaapektuhan ay maaaring dumaan sa mga inilatag na alternatibong ruta.

Ang mga manggagaling ng España Boulevard na patungo ng Roxas Boulevard o South Pier Zone at Taft Avenue ay maaaring kumanan sa P. Campa, diretso sa Fugoso St., patungo sa destinasyon.

Iyon namang mga dadaan ng Quezon Boulevard na manggagaling sa A. Mendoza ay pinapayuhang kumanan sa Fugoso, kaliwa sa Rizal Avenue patungo sa destinasyon.

Ang mga dadaan naman ng eastbound lane ng CM Recto na manggagaling ng Divisoria ay maaaring kumanan sa Rizal Avenue patungo sa destinasyon.

Ang mga sasakyan naman na dadaan sa SH Loyola St., na manggagaling sa Balic-Balic area at patungo ng Quiapo ay maaaring kumanan sa CM Recto Avenue patungo sa destinasyon.

Narito naman ang ruta ng thanksgiving procession: mula sa Quiapo Church-Plaza Miranda ay kakaliwa sa Quezon Blvd., kaliwa sa G. Puyat, kanan sa Evangelista, kanan sa CM Recto, kanan sa Loyola, kanan sa Bilibid Viejo, kaliwa sa Gil Puyat, kaliwa sa ZP De Guzman, kanan sa Hidalgo, kaliwa sa Bautista o Barbosa, dadaan sa Globo De Oro, kaliwa sa Quezon Blvd., sa ilalim ng Quezon Bridge sa pamamagitan ng Palanca St., kanan ng Villalobos at diretso sa Plaza Miranda pabalik ng Quiapo Church.

Ang thanksgiving procession ay ang simula ng Pista ng Poong Itim na Nazareno na magtatapos sa mas malaking prusisyon sa Enero 9, 2018 na inaasahang dadayuhing muli ng milyon-milyong deboto nito. (Rick Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?