36

By

Ilang estudyante nahilo, nahimatay sa UPCAT application

Sharing is caring!

Nagkatulakan dahil sa siksikan at pinangangambahang baka magkaroon pa ng stampede matapos na sandamakmak ang dumagsa sa mahabang pila ng mga aplikante para sa University of the Philippines College Admission Test (UPCAT) sa Diliman, Quezon City ngayong araw.

Nagkasabay ang deadline ng pagsusumite ng UPCAT form ng private school students sa Metro Manila at ang enrollment ng mga estudyante ng unibersidad kaya sandmakmak ang dumagsa sa admissions office ng UP Diliman kung saan ay hanggang sa labas nito umabot ang pilahan.

Sa dami nang dumagsa sa nasabing unibersidad ay nagkaroon ng siksikan at tulakan kung saan ilang estudyante ang nahilo at sinasabing may hinimatay pa habang may nagsisigawan na palawigin o i-extend pa umano ang aplikasyon sa UPCAT.

Napawi lamang ang tensiyon at naayos ang pila nang pumagitna na ang mga guwardiya sa nasabing unibersidad subalit marami pa rin ang nangangamba na baka magkaroon ng stampede sa nabanggit na pila para sa UPCAT.

Nitong Hulyo 26 ay naging magdamagan ang pila sa UPCAT kung saan umabot na sa kalsada ang daan-daang senior high school students ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) para makakuha ng mga papeles na kailangan para makapag-entrance exam sa UP.

May mga estudyante din umano na naglatag at natulog sa kalsada, habang ang iba naman ay halos tatlong araw nang pabalik-balik sa pila.

“Sana lang mas priority nila ang welfare ng estudyante… na kung nakikita talaga nila na ang kabataan ang pag-asa ng bayan, hindi dapat ganito ang ginagawa sa amin,” mungkahi ng Grade 12 student na si Anna Kristina Mutuc sa isang panayam.

Nabatid na ito ang unang pagkakataon na libre ang UPCAT at sinasabing ‘first come, first served’ ang pagbibigay ng mga dokumento kaya nag-uunahan ang mga nais na makakuha nito sa pila.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?