6
osg
By

Ilang dokumentong hinihingi sa drug war, isinumite na ng OSG

Sharing is caring!

Nakapagbigay na ng ilan sa mga hinihinging report at dokumento ang Office of the Solicitor General (OSG) sa Korte Suprema kaugnay ng war on drugs ng administrasyong Duterte.

Ito’y bilang pagtalima sa kautusan ng Korte Suprema kaugnay ng petisyong inihain ng grupo nina Aileen Almora at Sister Ma. Juanita Daño na parehong humihirit ng writ of amparo dahil sa naganap na mga patayan dahil sa kampanya kontra iligal na droga.

Sa 12-pahinang compliance, kasama sa mga isinumite ng OSG ang case folder ng 33 namatay at isang nasugatan sa operasyon ng pulisya laban sa droga; ang listahan ng mga naarestong Chinese at Filipino-Chinese mula 2003 hanggang 2017; at statistics ng PNP Internal Cleansing.

Isinumite rin ng OSG ang bilang ng mga buy-bust incident sa San Andres Bukid mula Hulyo 1, 2016 hanggang Nobyembre 30, 2017 at drug watch lists sa Sta. Ana, Maynila.

Maging ang summary ng mga kasong administratibo ng National Internal Affairs Service (NIAS) ng PNP at mga tanggapan nito mula sa Region 1 hanggang Region 13, NCR at ARMM kaugnay ng pagpapatupad ng Anti-Illegal Drugs Operation; pati na ang imbestigasyon, summary hearing at pre-charge investigation ng NIAS sa mga operasyon laban sa droga magmula Hulyo 2016 hanggang Disyembre 2017.

Nagbigay din ang OSG ng kopya sa Korte Suprema ng Double Barrel Alpha, memorandum kaugnay sa pagpapatupad ng National Anti-Drug Plan of Action; pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na lansagin ang iligal na droga; Revised PNP Manual on Anti-Illegal Drugs Operations; at mga memorandum mula sa National Police Commission at Dangerous Drugs Board kaugnay sa kampanya laban sa iligal na droga.

Kasabay nito, humirit ang OSG ng karagdagang panahon para sa pagsusumite ng iba pang dokumento na hinihingi ng Korte Suprema.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?