878
Ilang bahagi ng Visayas niyanig ng 6.5 magnitude na lindol
Apr 23, 2019 @ 18:38
By

Ilang bahagi ng Visayas niyanig ng 6.5 magnitude na lindol

Wala pa mang 24 oras matapos ang tumamang 6.1 magnitude quake sa Luzon, niyanig naman ng 6.5 magnitude quake ang Visayas na ang epicenter ay naramdaman sa Eastern Samar.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology(Phivolcs) malakas ngunit hindi pa rin maituturing na major earthquake ang tumama sa Visayas.

Sa rekord ng Phivolcs ala- 1:37 nang maramdaman ang lindol na may lalim na 63 km.

Ang sentro nito ay sa bayan ng San Julian, Eastern Samar.

Naramdaman din ito sa iba’t ibang lugar sa Visayas.

Nakapagtala ng Intensity 5 sa Tacloban City, Catbalogan City, Samar, Gen. MacArthur, Salcedo at Guiuan, Eastern Samar, Naval, Biliran, Catarman, Northern Samar , Palo at Pastrana sa Leyte.

Intensity 4 naman sa Abuyog, Hilongos, Javier, Capoocan, Julieta, Baybay, Barogo, Jaro, MacArthur, Matalum, Villaba, Leyte San Francisco, Southern Leyte, Bislig City, Surigao Del Sur , Iloilo City,Naga City,Sorsogon City,Panganiban sa Catanduanes. Nasa Intensity 3 ang naramdaman sa Binalbagan, Negros Occidental,Cabalian, Southern Leyte, Dimasalang, Masbate, Butuan City, Cabadbaran City.

Intensity 2 naman sa Bago City at Bacolod City.

Asahan umano ang aftershocks sa mga susunud na araw bagama’t wala umanong banta sa tsunami.

Nilinaw naman ni Phivolcs Director Renato Solidum na walang kaugnayan ang dalawang magkasunod na lindol na tumama sa Luzon at Visayas.

Gaya ng lindol sa Luzon ay tectonic din ang pinagmulan ng pagyanig sa Visayas.

Inuga din magnitude 6.5 na lindol ang probinsya ng Catanduanes, Masbate, Albay at Sorsogon.

Wala namang tsunami alert na ipinalabas ang National Disaster Risk Reduction and Management Council.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?