167

Oct 31, 2018 @ 20:17
By

Ilang ahensya sa Office of the President, inilipat sa ibang departamento

Inalis ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ilang ahensiya na nasa superbisyon ng Office of the President at inilipat sa ibang departamento ng gobyerno.

Sa pamamagitan ng Executive Order no. 67, inilipat ng Pangulo ang ilang tanggapan na dating nasa nasa OP sa Department of Trade and Industry (DTI), Department of Interior and Local Government (DILG) at Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ang mga ahensiyang inilipat sa DTI ay ang Technical Education and Skills Development Authority o Tesda at Cooperative Development Authority.

Ang mga inilipat naman sa DILG ay ang National Commission on Muslim Filipinos, Philippine Commission on Women at ang National Youth Commission.

Ang inilagay naman sa kontrol at superbisyon ng DSWD ay ang National Anti-Poverty Commission (NAPC), National Commission on Indigenous Peoples at Presidential Commission on the Urban Poor.

Inaatasan ang mga nabanggit na ahensiya na iangkop ang kanilang mga programa at mga aktibidad sa kanilang departamento para sa mas mabilis na paghahatid ng serbisyo sa mamamayan.

Ibinabalik na rin sa dating pangalan ang Office of the Cabinet Secretary na Office of the secretariat habang nakasaad sa EO ang pagbuwag sa Office of the Participatory Governance (OPG) at Performance and Projects Management Office (PPMO) na dating nasa Office of the Cabinet Secretary.

Ang pagbabago at paglilipat sa mga nabanggit na tanggapan ay bahagi ng ipinatutupad na streamlining ng pamahalaan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?