104

Sep 30, 2020 @ 23:12
By

Ikulong mo ako! Cayetano hinamon si Velasco sa Phisgoc issue

Hinamon ni House Speaker Alan Peter Cayetano si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na imbestigahan ang Philippine Sea Games Organizational Committee (Phisgoc) sa diumano’y mga anomalya sa pag-host ng 30th Southeast Asian Games.

Ani Cayetano, magbibitiw siya o maaari siyang ipakulong ni Velasco kung mapapatunayan nito na mayroong anomalya sa private foundation, na siyang naatasang mangasiwa sa naturang sports event na ginanap noong nakaraang taon.

Pinamunuan ni Cayetano ang Phisgoc.

“Natawa nga po ako sa sagot ni Congressman Velasco, ‘Mr. President, gusto ko ngang paimbestigahan ‘yung Phisgoc eh.’ Sabi ko, ‘Mr. President paimbestigahan n’yo po dahil wala kayong makikita’,” saad ni Cayetano.

Nakipagkita sina Cayetano at Velasco kay Pangulong Rodrigo Duterte noong Martes ng gabi tungkol sa isyu ng speakership sa Kamara.

“Ngayon pa lang hinahamon ko si Congressman Velasco—paimbestigahan mo. ‘Pag may nakita kang anomalya, hindi lang ako magre-resign—ikulong mo ako. Pero ‘pag wala kang nakitang anomalya, ikaw mag-resign,” lahad pa ng kasalukuyang House Speaker.

Kabilang sa naging isyu sa paghawak ng Phisgoc sa SEA Games ang P50 milyong cauldron o kaldero na ginamit sa pagbubukas ng torneo.

Dinepensa ni Cayetano na hindi sobra-sobra ang ginastos sa cauldron dahil dinesenyo iyon ng national artist at mas mura kung ikukumpara sa pinagawa ng Singapore.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?