115

Oct 17, 2017 @ 17:36

Ikalawang araw ng tigil-pasada, ‘di na epektib

Hindi na naging epektib ang ikalawang araw ng tigil-pasada ng grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) sa Metro Manila dahil ilang jeepney drivers lamang ang nakiisa sa naturang tigil-pasada.

Ayon sa nakapanayam na si Antonio de Jesus, tsuper ng rutang Pasig Palengke, unang araw noong Lunes lamang sila nakiisa sa transport strike dahil umano napilitan lamang sila sa mga kasanib na jeepney driver at bumiyahe rin naman pagdating ng hapon dahil alam umano nito ang hirap na nararanasan ng mga commuters at sa kanila na rin dahil wala silang kita.

Nabatid na hindi nakontrol ng mga grupo ng raliyista ang tigil-pasada dahil lahat naman sila ay nangangailangan ng pang-araw-araw na kita.

Samantala, una nang pinasalamatan ni Department of Transportation (DOTr) Sec. Arthur Tugade ang ilang transport groups sa pakikiisa sa plano ng pamahalaan sa kabila ng pagtutol dito ng ilang grupo ng tsuper.

Kabilang sa nakiisa ang Federation of Jeepney Operators and Drivers Association (FEJODAP), 1-United Transport Koalisyon (1-UTAK), Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP), Coalition of Operators, Drivers, Employees, Atbp. (CODE-X), at Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO).

Nilinaw ni Transportation Sec. Tugade na ang planong Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng Duterte administration ay hindi anti-poor base sa sinasabi ng ilang transport groups.

Layunin umano nito na mapaganda at mapalakas ang public road transport sector at hindi upang alisin ang PUVs sa lansangan. Karamihan kasi sa mga jeepney ay luma na kaya kailangan nang ayusin o palitan kung maaari.

“Gumagawa tayo ng pamamaraan na kung saan ‘yung jeepney ay magiging compliant sa mga specification na gusto natin sa program upang ang paghahanapbuhay ay kakambalan natin ng responsibilidad sa kapaligiran. Maghanapbuhay ka pero ‘wag mong patayin ‘yung environment. Maghanapbuhay ka pero pangalagaan mo ang henerasyon na darating,” dagdag pa ni Tugade. (Vick Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?