464

Oct 24, 2017 @ 16:04

Ika-6 Na Utos nina Sunshine at Ryza nilampaso ang kalaban sa ABS-CBN

Solid sa pagtutok ang mga manonood sa mga panghapong programa ng GMA Network tuwing Sabado. Kaya naman patuloy na pinaluluhod ng Kapuso shows na Ika-6 Na Utos, Tadhana, Wish Ko Lang! at Imbestigador ang mga karibal nitong programa.

Sa buong buwan nga ng September namayagpag nang husto ang Kapuso afternoon block, ayon sa data mula sa Nielsen Philippines TAM. Pumalo sa average people rating na 6.9 percent ang nakuha ng GMA Saturday afternoon block sa National Urban Television Audience Measurement (NUTAM), habang 5.5. percent lamang ang nakuha ng ABS-CBN.

Lamang din ang Kapuso Network sa Urban Luzon kung saan nakapagtala ito ng average people rating na 7.4percent, malayo sa nakuha ng ABS-CBN na 4.4 percent. Sa Mega Manila, palong-palo ang Saturday afternoon line-up ng GMA dahil nakapag-uwi ito ng 7.8 percent average people rating na lubhang malaki sa katapat nitong 3.7 percent.

Hindi nga papipigil pa sa pag-arangkada ang Ika-6 Na Utos, Tadhana, Wish Ko Lang! at Imbestigador. Sa partial October data ng Nielsen PH TAM, (kung saan ang October 14 ratings ay base sa overnight data), nakakuha ng average people rating na 6.9 percent sa NUTAM ang kabuuang Saturday afternoon line-up.

At tiyak na lalong hindi bibitiw ang mga manonood sa highest-rating daytime drama na Ika-6 Na Utos dahil sa mga pasabog na dapat abangan mula rito lalo na at may mga bagong karakter na ginagampanan nina Zoren Legaspi at Chynna Ortaleza.

Samantala, hindi pa rin patitinag ang top-rating weekly drama anthology ng GMA Public Affairs na Tadhana. Sa paglalahad ni Kapuso Primetime Queen Marian Rivera-Dantes, tampok sa Tadhana ang makukulay at inspiring na kuwento ng Overseas Filipino Workers (OFWs) na binibigyang-buhay ng mga magagaling na aktor sa kasalukuyan.

Wagi rin ang pioneering public service program na Wish Ko Lang! sa katapat nitong show. Kasama ang host at GMA News pillar na si Vicky Morales, binibigyang-halaga ng nasabing first wish-granting program sa Philippine television ang mga kuwento ng Pilipinong natutong bumangon sa gitna ng mga pagsubok sa buhay.

Ang longest-running investigative program na Imbestigador hindi rin tinatantanan ang kalaban nitong programa. Sa loob ng 16 taon at sa pangunguna ni GMA News pillar at seasoned broadcast journalist Mike Enriquez, patuloy na binibigyang-boses ng Imbestigador ang mga naaapi. Kaya naman patuloy rin itong namamayagpag sa ratings.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?